
Pretty in Pink Polo
Napakalaking bagay para sa isang haiskul ang Juniors-Seniors prom. Para sa karamihan, kagaya ko, ito
ang kauna-unahang pagkakataong mananamit nang pormal. Malaki ang gagampanan ng isusuot na
damit sa gabing ito. Dito sa gabing ito, lilitaw ang kapogian o kagandahan ng isang estudyante. Dito
magkakaalaman kung may itsura ka kapag binihisan. Sa gabing ito, kung kelan isinuot mo ang da best
mo, makikilatis kung me ibubuga pa ang itsura mo o sadyang ganyan lang.
“Masama pa ba naman iyan?” tanong ng aking ina habang iniaabot sa akin ang damit na aking isusuot.
Hindi naman kami naghihikahos sa salapi noon pero sadyang belekoy lang ang aking ina. Alam ko nang
malabo ang humiling na ibili niya ako ng matinong damit. Ang hindi lang ako papayag e kung
manghihiram ako ng damit sa aking ama.
Hindi uso sa aking ama ang mga damit na biling-yari. Lahat ng damit niya e pasadya niyang pinapatahi.
Hindi ko alam kung saang dekada, siglo, libro o planeta kumukuha ng inspirasyon sa pananamit ang
aking ama. Hindi ko rin alam kung saan siya nakakahanap ng sastreng pumapayag na lumikha ng mga
damit na mailalarawan ko lang bilang obra ng pwersa ng kadiliman. Kung ang mga preso e pinagsusuot
ng unipormeng orange para kapag nakatakas e makikilala agad na takas sa bilibid, ang mga kaluluwang
pinarurursahan sa kabilang buhay nama’y pinagususuot ng mga damit ng aking ama para mamarkahang
takas sila sa Impyerno. Kung ayaw mong magkashota at sumusumpa kang manatiling birhen, ang mga
damit niya ang dapat mong isuot.
“At saka gabi naman, ‘di na mapapansin iyan,” dugtong pa ng aking ina. Kalalabas ko lang ng banyo at
katatapos ko lang maligo. Nakabihihis na ako sa itim na pantalon. Sa kauna-unahang pagkakataon, ilang
minuto bago magsimula ang JS, doon tumambad sa akin ang damit na siyang dapat na magpapakita ng
kapogian ko.
“Kanino nyo po hiniram ito?” tanong ko habang nakatitig sa polong inilapag sa aking mga kamay. Pink?
“Sa Tito Freddie mo iyan,” sagot niya.
Dios na mahabagin. Tito Freddie? Nakikita ko sa aking isip ang kanyang tricycle na merong karatulang
‘Retired Playboy” sa harap at ang mga nakadispley na santambak na cassette tapes ng Scorpions,
Nazareth, at kung anu-ano pang slow rock classics sa bintana nito. Sa halip na mga larawan ng pamilya
niya ang nakapaskil sa pader ng bahay nila e mga kalendaryo ng mga bomba stars nung mga nakaraang
dekada ang aking nakikita sa tuwing ako e bumibisita.
At sinuri ko ang pink na polong hawak-hawak ko. Sa tantya ko e isang dangkal ang lapad ng kwelyo at sa
aking palagay e maaari kong ikabulag ang matalim na dulo noon kapag inihip ito ng hangin papunta sa
aking mata. Kumpara sa mga obra de infierno, e mas mainam na ito. Kung sabagay, ang kwelyo lang
naman ang me problema. Isinuot ko ito. Sinimulan kong magbutones mula sa pinakababa. Akala ko e
papanawan ako ng ulirat sa sikip ng damit. Kalahati ng dugo ko e hindi na dumadaloy sa aking katawan.
Bukod sa kasikipan e me napansin pa akong iba. Parang wala yatang butones sa itaas. Natanggal ba
noong isinusuot ko dahil sa sikip? Tinanong ko ang aking ina kung me nakita siyang nalaglag na mga
butones.
“Ganyan talaga manamit ang Tito Freddie mo noong araw. Tinatanggal niya ang unang dalawang
butones para raw labas ang buhok niya sa dibdib.”
“Wala na po bang iba?”
“Pardiblehan mo na lang. Bili ka sa tindahan.”
Nakita ko ang relo sa aming dingding. Malapit nang magsisimula ang JS. Nakupo, male-late na ako at ako
e maglalakad lang papuntang eskwelahan.
“Gabi naman,“ paulit-ulit kong sinasambit sa aking isip sa bawat hakbang ko. Madilim ang daan
papuntang ekwelahan. Iniisip ko kung bukas pa ang tindahan ni Aling Nena. Kung maisasara ko lang
pardible ang dibdib ng polo, makakalusot na ang pormang iyon. Di ko namalayan ang paglapit sa akin ng
isang kapitbahay ko.
“Saan ang lakad, Elvis?” tanong niya. Hindi na ako nakasagot dahil nilamon ng kanyang halakhak ang
katahimikan ng buong kalsada habang naglalakad siya papalayo. Sa dilim na iyon ko napansin ang
katingkaran ng pink ng polo ni Tito Freddie. Iwinagaygay ko ang aking mga braso. Parang dalawang glow
sticks.
Ilang hakbang lang at tanaw ko na ang gate ng aming eskwelahan. Nababalot ito ng mga palapa ng niyog
at pula at pink na crepe paper. Dinig ko na ang musika ng mobile disco na nirenta ng aming eskwelahan.
Kasabay ng daugdog nito ang mabilis na pagkabog ng aking puso. Habang papalapit ako nang papalapit,
mas nararamdaman kong ayaw ko nang tumuloy. Uuwi na lang ako. Ayokong makita ako sa ganitong
suot. Habang nagpapatumpik-tumpik, may tumapik sa aking balikat – ang kaklase kong si Mark.
“Tara na,” sabi niya, sabay hatak sa akin papasok sa loob. Wala na akong nagawa at napasuong ako sa
loob. Wala nang atrasan. Tumambad sa aking paningin ang malaking karatulang “JS Prom ’91” na
nakaukit sa styro at ang mga pula’t pink na lobong nakapaligid rito. Ang sumunod e ang aking mga
kaklase, kapwa juniors, ang mga seniors pati na ang aming mga guro. Hindi pa nagsisimula. Umabot ako.
Noon lang ako nakadalo sa ganitong kalaking okasyon. Gaya ng aking iniisip, lumitaw nga ang mga pogi
at magaganda sa kanilang mga damit. Partikular na si May, ang best friend ni April.
Matapos ipalabas ang Ghost, maraming babae ang nagsipaggayahan sa gupit ni Demi Moore. Karamihan
sa kanila e nagpaigsi ng buhok. Hindi ito bumagay sa karamihan at nagmukha lang silang mga lalake, pati
na si May. Hindi siya pansinin sa school. Ngunit sa suot niyang itim na gown lumitaw ang kurba ng
kanyang katawan. Ipinakita nito ang karaniwang ikinukubli ng kanyang school uniform. Doon ko lang
napansin kung gaano pala siya kaganda. Kung meron man akong pag-asang makaporma sa kanya, iyon
ay ngayong gabi bago pa magdagsaan ang lahat pagbalik namin sa Lunes.
Papalapit na ako sa kanya nang maalala ko ang aking suot. Naalala ko ring hindi ako nakabili ng pardible
sa daan. Nakabukas pa rin ang dibdib ng polo ko, ala-Rico J. Puno. Doon ko rin napansin ang
pagtitinginan ng lahat sa aking direksyon. Matutunaw yata ako sa aking kinatatayuan. Magara ang
kanilang porma. Ang mga lalaki e panay na mga naka-long sleeves at nakakurbata pa ang iba. Katabi
kong nakatayo si Mark na ganun din ang porma. Simple, pero swabe ang itsura.
Teka, kung hindi ako kinakantyawan ni Mark, ibig sabihin nito e ako lang ang nag-iisip na baduy ang
damit ko? Baka naman hindi. Gayun pa man, naglakad ako sa likuran niya, ikinukubli ang bukas na
dibdib.
Niyaya ako ni Mark na sumama sa kanyang mesa. Panay kami lalaki roon. Magkakasama rin ang mga
babae sa kani-kanilang mesa. Kanya-kanya ng turuan ang mga kasama ko kung sinu-sino ang kanilang
isasayaw. At gaya ng aking inaasahan, maraming nagbanggit ng pangalan ni May. Kelangang maunahan
ko sila sa unang sabak ng sweet. Kahit na sa suot kong ito.
Mali. Kung gusto kong magkaroon ng tsansa sa sayaw na ito, hindi ako dapat magpakadungo. Hindi
baduy ang damit na ito. Ako lang ang naiilang dahil kakaiba ito sa lahat. Kung baduy ito, palalampasin ba
ni Mark ang pagkakataong kutyain ako sa harap ng marami noong unang nakita niya ako? Si Mark pa?
Ito ang damit na suot ni Tito Freddie noong panahong kasagsagan ng kanyang pagkapabling bago siya
magretiro. Ito ang damit na nagpasuko ng Bataan ng mga dalaga noon. Hindi ito baduy, isa itong bertud!
Pati ang mga bomba stars sa mga kalendaryo ni Tito Freddie e nakikita kong kumikindat sa kawapuhan
ko ngayon.
“Ayos din ang damit mo, ano?” sabi ni Mark. Lalong tumibay ang aking loob sa kanyang sinabi.
“Salamat,” sagot ko, sabay ngiti.
“Ayus na ayos iyan kapag kainan na mamaya. Hindi ka na maghahanap ng tissue kapag magpupunas ng
bibig. Pwede nang table napkin ang kwelyo mo,” sabi niya. Bumunghalit ng tawa ang buong mesa.
Ang lahat ng nabubuo ko sanang lakas ng loob sa puntong iyon e nadurog. Nakitawa ako para hindi ako
gaanong mapahiya. Madalas naman akong inaasar ni Mark pero sa pagkakataong ito damang-dama ko
ang talim ng kanyang salita. Nangingilid na ang aking luha pero hindi ako pwedeng umiyak sa harap nila.
Makakabangon ka pa sa baduy na damit pero hindi kapag nakitang umiyak ka na parang batang paslit.
Hindi ko na makakayanan ito. Tumayo ako at nagpaalam na magsi-CR muna.
“Isara mo na rin ang dibdib mo at baka mapulmonya ka,” dagdag pa ni Mark habang humahakbang
akong papalayo.

Naghanap ako ng mapupuntahang malayo sa lahat. Ayokong merong makapuna sa akin kapag pumatak
ang aking luha. Gusto ko na lang na matapos ang gabing ito nang hindi nakikita ng mga tao. Gusto ko
sanang magmukmok na lang sa isang tabi, sa dilim pero alam kong imposible iyon sa aking suot. Maggo-
glow in the dark ako sigurado. Wala akong pwedeng pagtaguan kundi ang CR kaya’t doon ako tumungo.
Bumukas ang pinto nung pagdating ko. Isang babaeng naka-itim na gown – si May. Kung kelan pa naman
lusaw ang kumpiyansa ko. Napaglabanan ko naman ang luha ko at hindi ito tumulo.
Di ba classmate kita?” tanong niya sa akin.
“Nasa row one ka. Di mo lang ako nakikita. Taun-taon tayong magkaklase.”
“Joke lang. Alam ko naman. Iba lang kasi ang itsura mo ngayon. Hindi ko akalaing ganyan ka pala,” sabi
niya. Sinabi niya sa aking hihintayin niya raw akng lumabas ng CR. Doon na raw ako sa umupo sa tabi
niya sa mesa.
Sa isang mesang di kalayuan sa kinauupuan ni Mark kami umupo pagkalabas ko ng banyo.
Nakapagtatakang walang kasama si May sa mesang ito. Kaming dalawa lang at isang basong may lamang
Sunny Orange na grapes. Nagkakandahaba ang mga leeg ng mga nakaupo sa mesang dati kong
kinauupuan. Mamatay sila sa inggit. Mabagal ang simula ng kwentuhan namin ni May, mga maliliit na
bagay.
“Tingnan mo ito,” sabi ni May. Ipinakita niya sa akin ang friendship band niyang suot sa braso. “Galing
kay April iyan. Nagpalitan kami noong practice ng graduation noong grade six.”
Hindi ko alam kung ang kuneksyon namin ke April o ang pagbukadkad ng kanyang kagandahan ng gabing
iyon ang nagbunsod sa aking makaramdam muli ng ganun. Bago ang JS e hindi ko naman siya
napagtutuunan ng pansin. Ngayon, habang nakaupo kaming magkalapit, nararamdaman kong bumukas
ang pintong nakakandadong dating nakalaan lang ke April. At dumako ang usapan namin sa tunay na
dahilan kung bakit niya ako niyayang makasama sa mesa.
“Nakakatuwa ka palang kausap. Pakiramdam ko I can be free. I can be who I am. Pwede kitang sabihan
ng feeings ko,” sabi ni May.
Parang pelikula, sakto sa sandaling iyon, tumugtog ang Unchained Melody na sikat na sikat nung
panahong iyon. Ang hinihintay kong unang sweet, ang pagkakataon. “Gusto mong sumayaw?” tanong
ko.
“Sure,” sabi niya. Pumunta kami sa gitna at kitang-kita ng marami kung sino ang kasayaw ko. Siniguro
kong nakikita nina Mark ang pagkapit ko sa bewang ng kasayaw ko. Sa gitna ng kanta, inilapit ni May ang
kanyang bibig sa tenga ko. Meron siyang gustong ibulong. Doon ko napansing amoy alak siya. Ang Sunny
Orange na grapes – malamang may halong gin.
“I feel so safe with you. Nakatagpo rin ako ng taong makakaintindi sa akin. Yun bang kapareho ko ng
pinagdaraanan,” sabi niya sa akin. Nakatitig siya at maluha-luha. “Para sa akin napakalaking pressure
nitong JS. Maraming expectations. Buti ka pa you’re so free to express yourself. Ako, matagal nang
nakakulong.”
Nalilito ako sa kung ano ang ibig niyang sabihin. Anong nakakaiyak sa polong pink na bukas ang dibdib?
Lalo’t hindi naman ikaw ang nagsuot nito. Pinili kong hindi magsalita. Nagpatuloy lang ako sa pakikinig.
“So, I assume ngayong gabi ka nag-out sa parents mo?” tanong niya.
“Nag-out?” tanong ko rin.
“Alam mo na – out. Out of the closet. Wala pa akong lakas ng loob to do so. I have always been attracted
to girls. Kay April. Look at you,” sabi niya. Saktong natapos ang kanta. Nalilito man ako, bumalik kami sa
mesa at umupo.
“Hindi pa ako handa. Please keep my secret safe,” sabi niya sa akin. Iyun lang at nakatulog siyang
nakapatong ang ulo sa mesa at nakahawak ang isang kamay sa akin. Hawak ko ang kamay ng isang
napakagandang babaeng hindi maaari akong mahalin kahit kelan man. Hindi ako umalis sa tabi niya
hanggang matapos ang JS. Ako ang naghatid sa kanya pauwi. Tricycle ni Tito Freddie.
“Ganda ng bebots mo, pamangkin. Mana ka nga sa Tito mo,” sabi niya sa akin habang humaharurot sa
highway ang kanyang tricycle. Nakasandig ang ulo ni May sa aking balikat. Tulog. Hindi alintana ang
paligid. Ang tumtugtog na The Flame sa cassette player. Ang malapad na kwelyong kanyang unan. Ang
pumipintig kong puso. Pinagmasdan ko ang suot niyang friendship band. April. May. Hindi na ako mai-in
love sa mga babaeng nasa kalendaryo ang pangalan.

Ang May Akda: Jerome Albert Lupisan
Dibuho ni: JERICATURES

“JERICATURES” is the brainchild of Jerome Albert Lupisan. Jerome Albert Lupisan is a Filipino teacher, writer and artist from Indonesia. Jerome Albert Lupisan is also an ARTIST FOR HIRE. Please visit his fb page: Jericatures and Instagram: thisjerboymustdie.
Mga Popular na Babasahin: “POUR HOMME” Happy Father’s Day 2020!, TOOTSIE ROLL (A DOG’S LIFE), THE VERY ROCKY ROAD (Happy Father’s Day 2021), BRIDGING THE GAP (A VALENTINE’S DAY BLOG).

That’s really Pilyamazing! Tangkilikin po natin ang sariling atin. SUBSCRIBE Now! Maraming salamat po.