
problema! kapag pumasok sa utak ninuman
hahamakin ang lahat siguradong maguguluhan
uumpisahang mag-isip at matatapos din sa kawalan
mapapakagat labi’t mapapapikit at may gustong takasan
ikaw ikaw ang dahilan O kung bakit siya nagkakaganyan
ako ang nakikita’t ako ang nasisisi’t ako ang may kasalanan
matagal ng panahon ang nagdaan at tayo’y magkapatawaran
bumangon ka! tayo’y nasa kasalukuyan at tapos na ang nakaraan

ang pinakamabigat sa lahat ay ang kawalan ng salapi
walang laman ang bulsa’t ang pakiramdam ay aping-api
gusto mong maging hapi’t gustong kumain ng marami
maglaga ng kamote o maglugaw kaya’t ubos biyaya kasi
kalmahin ang sarili’t masarap kumain ng kalamay
nagkukulong sa kuwarto’t palakad-lakad hindi mapalagay
nakatingin sa kisame’t may nakasulat doon “pasaway”
mag-abang ka sa bintana’t hay salamat lumagpas na si bumbay

pabigat ang mabigat at kikiluhin ba o titimbangin
ang tinutukoy mo ba’y ang mga taong pasanin
kapag may napapala sa iyo’y doon ka lang papansinin
pagbigyan mo minsan at ikaw naman ay aabusuhin
kung minsan ang inaakala mong suliranin ay isang oportunidad
nawalan ka man ng trabaho ngayo’y baka sa iba ka naman mapalad
hindi rin dapat gawing balakid ang isang pagiging may-edad
mas madami ang karanasan mas mataas ang marka ng kalidad

paano nga ba natin masisipat ang may pinagdadaanan
may bumibigat at nahihiyang sa kakakausap ng pinggan
namamayat sa kaiinom ng tubig at lagi kasing natutuyuan
tumatanda ang hitsura’t si kuya’y napapanot na sa bunbunan
maglibang ka mahalin ang sarili’t gawing abala
magdasal at sana’y habaan pa ang iyong pasensya
makihalubilo ka sa mga taong ikaw ay napapatawa
umaksyon! gumawa ng paraan kaysa maghintay ng himala

ang problema’y hindi namamahay kung minsan ay gumigilid
huwag magbulag-bulagan at ang solusyon din ay nasa paligid
pagkatapos makaraos sa isa’y may sumusunod pang tagilid
nagsimula sa maliit hanggang lumaki’t parang walang patid
kung minsan talaga mas nangingibabaw ang respeto kaysa pag-ibig
kapos man ang memorya ng iba sa aking nagawa’t nailista sa tubig
huwag nating sayangin ang natitirang panahon ilalagi pa natin sa daigdig
iwaksi natin ang inggit at ipagkibit balikat ang bagay na hindi mo madaig

a steep rock over the Lahn: St. George’s Cathedral. Photography by Maria Ces Seidel
natutunan ko na rin dumiretso sa Kanya at Siya’y nakikinig
ang aking pananahimik at magsulat na lamang ay aking ibig
ang bawat laman ng aking sinusulat ay siya rin aking bibig
ako’y tao rin may puno’t dulo’t sa Diyos lamang mananalig
by MRS. PUNK ROCK CIELITO’S #EBIGAN BOOK

That’s really Pilyamazing! Tangkilikin po natin ang sariling atin. SUBSCRIBE NOW! Maraming salamat po.
If you hit this button below, your donation goes to charity.