MY KIND OF CRAZY

 

inmyblood2.jpg
15.08.18. HAPPY BIRTHDAY MARIA CES SEIDEL (a.k.a. Mrs. Punk Rock Cielito) , Publisher of Pilya Blog Magazine. 

minsan akong napadako sa isang magarang tindahan

daan-daanan ko lang dati’t ngayon ay aking natitigan

sa bintana pa lang ay magaan na ang aking kalooban

may isang taong nakangiti’t nakaabang sa aking daanan

 

pagpasok ko sa loob ay panatag ako’t agad sa may bukana

maayos na nakasalangsang ang mga bagay at kahali-halina

isa-isa ko itong tinitingnan O ang mga mata ko’y nagpipista

gusto ko sanang hawakan ang isa ngunit baka ako’y masita

 

hinayaan kong ang aking mga paa’t animo sila’y hinihila

magaan pa rin ang aking pakiramdam at wala kasing dala

hanggang sa mapadako ang aking tingin doon sa isa

kakaiba siya’t lumapit ako’t malalim ang aking buntong-hininga

 

siguradong isa siyang primerang bagay at aking napagmasdan

katabi niya’y isa pang uri’t binuhat ko’t nawalan ng kabuluhan

may isa pang katabi ngunit hitsura pa lang ako’y nag-aalinlangan

hindi! iyon ang ibig kong bitbitin at ang aking napagpasyahan

 

napag-isip isip ko lang kung kakayanin ko’t may kabigatan

sa aking pag-iisa’y nasanay na ako’t hindi na siguro kailangan

umikot-ikot pa akong muli’t may ibang tao pa kasing dumadaan

subalit ang taong nakangiti’y may itinuturo’t iyon daw ang balikan

 

naibigay na siguro sa akin ang lahat ng senyales at huwag kabahan

hindi ko ngayon malaman kung paano bubuhatin at maselan

hawak ng aking dalawang kamay ang nais kong makamtan

ipinangako sa aking sarili’t hindi ako bibitaw at aking pagkaka-ingatan

 

lumalakad nga ako ng dahan-dahan at lumiliko ng hindi inaasahan

iba’t-ibang mga kumikinang na bagay at tinatawag pa rin ako minsan

alam kong hindi ako makakalayo at habang hawak pa’y hindi lilisan

kahit gaano katindi pa man ang aming pagsubok na pinagdaanan

 

pagdating sa dulo’y may nakasalubong akong nagtatakbuhang mga bata

ilang beses akong nabangga’t kamuntik na sana’t gusto kong mairita

nag-iinit ang aking mga palad at walang saklolo naman akong nakikinita

hindi naman niya gustong kumawala’t mag-ingat lamang sa pananalita

 

sa kahabaan ng daan ay papunta na ako sa kahera’t ako’y nagpapawis na

mainit ang panahon at malamig na ang aking ulo’t nakabawi-bawi na

mahaba ang pila’t wala bang shortcut ngunit teka siya’y magaan na

pinagmasdan kong muli’t isang matinding kasiyahan at siya’y akin na

 

siya’y regalo para sa aking sarili’t sadyang ito siguro ang tadhana ko

dalawang kamay pa rin ang hawak ko’t sila’y mga nakatingin paglabas ko

may mga matang nangungutya’t naiinggit ba’t ngunit mayroon din sumasaludo

maganda ang pagkakabalot may laso pa’t pabango alam mo ba kung ano ito?

Para sa aking mga anak, Aaliyah at Sylvia.

by Mrs. Punk Rock Cielito

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.