Viva Señor Nazareno! Happy Fiesta, Black Nazarene of Quiapo!

mama, para!diyan lang po sa pagbaba ng tulay
pakibilisan lang Miss at may pulis na bantay
pagbaba ko nga’y humaharurot ang jeep hay!
basta Biyernes ganito ang aking eksena’t sanay!
kapag ako’y dumadaan hindi maaaring hindi ako sisilay
kaliwa’t kanan nga ang aking tingin nakupo! nakakaumay
ang dami daming lobo kabi kabila ang mga bangketa rito
pekeng CD’s at mga hubad na litrato ng mga artista’t porno
sa bandang kanan may bagong talop na malalaking santol
hmmm ang bango ng hopiang baboy at munggo at nakakaulol
bababa na sana ako ng underpass ng may lalaking sumisipol
senyasan sa bangketa kapag ang pulis ay nagbubulakbol
sa may hagdan ng underpass si Totoy ay namamalimos mag-isa
siya ay batang paslit at napabayaan siguro ng mga magulang niya
kaawa awa siya’y walang lobo at nagbigay ako kahit man lang barya
sa isang saglit naisip kong siya’y nakangit’t may lobo paano nga kaya?
sa ilalim ng underpass ay mga sapatos galing Marikina ang sukat
madaming lobo at naglipana ang mga Muslim at nagtitinda ng lahat
hikaw, kwintas, singsing may mga pekeng bato at mura ang banat
“mano po Kuya Roger” siya ang aking tiyo’t ako’y nagpapasalamat
pag-akyat ko nga ng underpass sumalubong sa akin ay mga lobo
mga aleng nagtitinda ng mga halamang gamot at pampalaglag ng ano?
mayroon din pitopito o 7 klase ng mga dahon at gamot sa lahat bueno!
gamot sa sakit ng tiyan at pagtatae may gayuma rin daw magkano?
ang tanong sa bandang kanan nga ba’y nandoon ang kabutihan
kasi sa bandang kaliwa’y may lobo ang mga karatula’y naglalakihan
“Hula P50 lamang” “Palm Reading P50” “Lahat P150” ito’y promo?
ang mga manghuhula “kuno” dito’y may kanya kanyang puwesto
“huwag kang mag-alala ang lahat tungkol sa iyo’y aking isisiwalat
may asawa ka na ba? mga anak? iyon nga sana po ang aking ipagtatapat
“mag-iingat ka sa kasintahan mo, may mamamatay na malapit sa iyo
masuwerte ka, makakapag-abroad ka bumili ka ng tiket ng eroplano”
o ang hangin nangangamoy usok na ng kandila’t mga bulaklak
nagpapaalala lang sa akin oras na’t parang ako’y tinutulak
amoy Sampaguita! pabili nga po ng sampung piso lumipad ang lobo
“anak, ikaw ba’y naparito para usyosohin sila o dalawin ako?”
Amang nandito nga po ako sa Quiapo para makita’t sambahin Kayo
ipagpatawad Nyo po’t sa buhay naming tao’y kung minsan kami’y nalilito
ang daan patungo sa Iyo’y madaming istorbo’t nakakaengganyo
ngunit salamat po sa Iyong simbahan at hindi nakakapasok ang mga lobo
by Mrs. Punk Rock Cielito, from her #EBIGAN BOOK, THE TALES FROM THE WOODS
That’s really Pilyamazing! Tangkilikin po natin ang sariling atin. SUBSCRIBE Now! Maraming salamat po.