MAY SIGNOS KA BA SA TUBIG? Natanggap ko ang kanyang email at ipinagtapat nya ang nangyari sa kanyang best friend. Pagkatapos ng ilang buwan ay hindi pa rin daw sila makapaniwala na ito’y nangyari sa kanilang lahat. Si Simone (tunay na pangalan) ay umibig nang tapat sa isang lalaking nakikipagkaibigan lamang sa kanya. Ang kanyang malaya’t magandang paningin sa mundo at nang dahil sa “unrequited love” ay nagwakas sa isang trahedya. Ako’y napukaw ng kanyang kuwento nang ako’y bumisita sa siyudad ng Nittenau. Kung ito man ay kasalanan o hindi, sino ba tayo para humusga? Ito’y para sa iyo, Simone.
Paunawa: Ang mga litratong ito’y walang kinalaman sa tunay na pangyayari at salaysay ng may-akda. Kung ito’y may pagkakahawig man sa inyong pangalan (buhay o patay) at pangyayari, ito’y nagkataon lamang at hindi ko po sinasadya. Maraming, maraming salamat po.
ang aking mga natatanaw sa magandang umaga na katulad nito
ang luntiang tanawin gaya ng mga puno at ang hanging presko
naisip din kita’t sa bandang kaliwa agad ang iyong baling
bubulungan mo rin ang kanyang damo’t tatanungin siya “ang aking almusal, ano?”
napalingon ako sa mga nagtatakbuhan at sila’y nag-eehersisyo (1)
naisip ko lang, nagpupunta ka pa ba sa gym o sa opisina lang ang destinasyon mo?
nag-ingay na ang kotseng nakaparada’t papaalis na rin siguro
ang kotse mo ba’y itim pa rin o nakabili ka na ng bago?
heto’t may nakaiwan ng diyaryo sa aking kinauupuan
ang nakalagay sa unang pahina’y “mga paraan upang kita’y makalimutan”
sina Linda’t Hilda ay nag-uusap sa gitna ng tulay at kalsada (2)
bumabati ako’t sige lang at wala namang kalatuy-latoy ang inyong tsika
walang patid nilang pag-uusapan ang nabuntis mong si Clarissa
si Lagalag at dumaan na siya’t kasama ang kanyang aso
kung tawagin mo siya’y “Blondie” at palayaw ng amo
tuwing umaga’y nandito siya’t hawak ang kanyang telepono (3)
katulad mo’t katulad ko rin habang nagsasagutan tayo
“nababaliw ka na ba?”
“oo matagal na’t nang dahil sa iyo!”
“lagi na lang iyan ang litanya mo para kang sirang plaka…”
etcetera, etcetera, etcetera…
O wala ka na pala…
hindi ka na makakarating…
malayung-malayo ka na
kalalabas ko rin lang…
hindi na ako babalik at wala akong sakit
hindi ako si “Brenda”
ako’y si…ayoko silang sagutin at nasasaktan ako…
dito lamang ako
ang ilog ay nag-aanyaya sa iyong piling
malapit na ako’t…
hindi na ako makakaahon…
napakasakit habang ako’y humihinga…
ang aking mga kamay ay nakadipa
paalam,
sapagkat mahal na mahal kita…



Danica Mae Miranda was one of the finalists in Deutschland Sucht Den Superstar, DSDS 2017. Maraming, maraming salamat sa iyo, Danica at sa iyong napakagandang awitin para kay Simone at sa aming mga mambabasa.