
katatawag ko lang sa iyo kangina O bakit nga ba
wala lang! at gusto ko lang madinig kang kumanta
haha! iyon lang naman ay biro kong madalas
kaunti lang sana’t hindi na ako mamimintas
ang numero mo’y kabisado ko’t kahit ako’y nakapikit
mabura ng lahat ang iyo’y sa puso ko na’y nakaukit
oo at nakailang SIM card na ako’t papalit-palit
bakit ganun? hindi ko ito makalimutan kahit saglit

napapangiti ako’t iyong sinunod talaga ang aking bilin
sa araw-araw ay limang tao o bagay ang iyong pupurihin
ang halaman sa iyong balkon at ang gwardyang masungit
bumulong ka sa halaman kung hindi ang gwardiya’y papangit
nakatingin ako sa iyo ngayon sa iyong mga asul na mata
gustung-gusto ko ang iyong mga mahahabang pilikmata
sige na’t ngumisi kang muli’t ang tuhod ko’y nanghihina
yakapin mo akong muli’t hindi na’t ayoko ng kumawala

ngayon mo lang ba naisip na matagal na tayong bagay
may naglalaro sa iyong isip noon at ngayon ikaw ay ganyan
nakatingin ka rin ba sa mga bituin kung gabi o sa kawalan
hindi ko rin alam at wala ka naman talaga dito sa aking tabi
ikaw ay tumalikod na naman gaya ng dati at ito na’y dating gawi
hindi na ako makakasabay sa iyong kanta’t namaos ka na
ang numero mo’y buburahin ko na’t ito’y totohanan na

aagggh! alam kong nandyan ka lamang sa aking paligid
nararamdaman kita’t hindi ka man humarap at nakatagilid
ang iyong mga mata’y nakatingin lamang at hindi ka umiimik
napapagod na rin ba ako’t kahit sa iyong isip ay magsumiksik
huwag ka ng lumapit sa akin sa pamamagitan ng iba
kung siya’y mabuti sa iyo’y bigyan mo siya ng halaga
huwag niya akong tularan at ang ginawa ko sa iyo’y hindi niya kaya
minsan lamang sa ating buhay at iyon ay hindi na mauulit pa

hindi ka makakabangon kung makikita mo ang aking mukha
gumising kang siya ang iyong katabi’t siya na nga talaga
ngumiti ka pa rin sa umaga’t bulungan ang halaman niya
purihin pa rin ang gwardiya’t hindi ka na rin mag-iisa
isa kang “pickles” para sa akin at kung ang aking pagkain ay maalat
isa kang “peanut butter” at katambal ng aking palaman na “jam na duhat”
hindi ka rin lubos na nakakabuti’t sa aking pag-iisa’y hindi na masama
katulad mo’y “pinch of sugar” sa aking kape’t kailangan ko ng bahagya