PINK SATIN BANDANA

IMG_0448
Photos by Ces Seidel in Zeltingen, Germany.

 

hoy Rebeka! huwag kang magpatakbo ng mabilis

kamuntik mo ng mabangga si “Mrs. Tulis”

bago ka pa lamang naming kapitbahay at halika na

naku! sandali’t ako’y lumapit na nga kay Rebeka

 

aruy! kaibigan kong magaling daw magpatakbo ng bisikleta

o e bakit ka ngayon nabalabag ka’t nasaan na ang iyong tama

hayan may mga galos ka sa tuhod teka nga’t pupunasan ko

huwag mo ng galawin at mahapdi iyan halika na’t umuwi na tayo

si Rebeka’y aking kaibigang matalik at siya’y magaling sa Matematika

siya’y nangunguna lagi sa aming paaralan kahit noong kami’y bata pa

iyon nga lang siya’y may katigasan ng ulo’t siya rin ay lampa

magkaiba man kami ng ugali’t kami’y mabuting magkaibigan talaga

IMG_0456

 

ano ka ba Sofia at bakit ba ako’y lagi ang iyong inaalala

wala naman akong sakit ikaw nga diyan ang baka hinihingal na

masyado ng mainit halika na’t uminom tayo sa bahay namin ng cola

ang alam ko’y nagluto si Mama ng putong may keso’t ang ating paborito hindi ba

ay oo nga pala’t baka tapos ng magluto ng putong may keso si Tita

ikaw talaga Sofia basta sa pagkain ay hindi pahuhuli’t laging may gana

kaya siguro bumibigat ang iyong timbang kasi’y madalas ka sa amin

sige ka’t ikaw ay hindi na si “seksi” kung hindi “siksik” uy! aminin

sinalubong nga kami agad ni Tita Carys at siya’y ina ni Rebeka

silang dalawa na lamang ang magkasama’t sa ama’y naulila na siya

panay ang punas ng pawis ni Tita Carys sa likod ni Rebeka

hindi na maaalis sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala

IMG_0459

masaya naman ako ngayong hapon ngunit pag-uwi ko’y mabigat ang aking paa

tumigil ako sandali sa dating tahanan ng aking kaibigang matalik na si Rebeka

umalis na nga si Tita Carys at napapayag ng mga kapatid na manirahan na sa Amerika

ngayon ay summer vacation sa kolehiyo’t ibig ko sanang kami’y magkasama ni Rebeka

dati-rati pagkatapos kong mag-almusal ay takbo na rin agad ako sa bahay nina Rebeka

humahangos ako sa pinto’t nakita kong umiiyak si Tita Carys at nandoon din si doktora

lumuhod ako sa kanyang harapan at nakaramdaman ako sa kanya ng matinding awa

niyakap ko siyang muli nang mahigpit at ako’y napatingin sa may altar niya

 

ito’y kumakalat at nanunuot sa bawat himaymay ng ating katawan

ito raw ay nasusugpo’t iba’t-iba ang paniniwala ngunit ang resulta’y hindi kaginhawaan

saan ka nga ba lumaya’t nadugtungan pa raw ang kanyang buhay

marami ng nagnais at labis na mga nagtangis sa kanilang naging maikling buhay

IMG_0443

natutulog pa si Rebeka ng ako’y lumapit sa kanyang kama

hinaplos ko ang kanyang ulo’t nakabalot ng malambot at lila na tela

ito’y bigay ko sa kanya nang unang nalagas ang kanyang buhok sa harapan

naalala ko siya’y nataranta’t kaming lahat ay kanyang inaway at hiniyawan

 

naalala ko’t talagang may mga araw na siya’y namimilipit sa sakit

hindi na siya makakain at ang ina’y laging sa kanya’y nakadikit

sa kaunting pagkain siya’y nagsusuka’t ang panlasa niya’y mapait

nahulog na ang kanyang katawan at ang sabi niya’y malapit na siya sa langit

dumilat na nga si Rebeka O ang kawawa kong matalik na kaibigan

salamat Sofia’t may ibibigay ako sa iyo’t alam kong iyong magugustuhan

gustung-gusto ko ang aming larawan at iyon ay kuha sa harapan ng simbahan

ito rin ang araw na kami’y nagpakawala ng mga lobo’t ito’y kanyang kaarawan

tatlong taon na rin ang nakalipas Rebeka’t ako pa rin ay nasa iyong harapan

lagi-lagi kitang dinadalaw sa iyong napakatahimik ngunit mabango’t bagong tahanan

isang malaking krus ang ngayo’y saksi sa ating pagkakaibigan ngayon at magpakailanman

mahal kita’t itinuring na parang kapatid at ako’y laging nandito’t hindi kita makakalimutan

IMG_0447

THINK PINK . October is Breast Cancer Awareness Month. This blog is dedicated to all cancer victims and survivors. In loving memory of Carla, Tita Paz, Tita Elsa and Gerome.

PINKSATINBANDANA
Maraming, maraming salamat po.
May-akda: Ces Seidel a.k.a. Mrs. Punk Rock Cielito